Dumarating ang biyaya.
Sa apat na taong lumipas, akala ko kayrami ko nang naranasan. Subalit sa nalalapit kong pagtatapos sa kolehiyo, biglang tumambad sakin ang isang bagong karanasan.
Halos hindi ko siya pinapansin noong mga nakaraang taon. Andiyan lang siya at simpleng ka-batian lang. Madalas nga, daraan lang talaga ako sa harap niya. Kahit na matagal ko na siyang kakilala sa pangalan, hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap.
Nitong nakaraan lamang, sa hindi inaasahang pagkakataon, nakapag-usap kami. Simpleng kwentuhan lamang, nagtawanan, nagbigayan ng pananaw - isang pag-uusap na umalpas sa mga batian namin noong mga nakaraang taon.
Masaya pala siyang kasama. Marami rin siyang masasabi sa mga bagay-bagay. Makulit, matalino, at isang malalim na tao (positibo ang tingin ko sa lahat ng nabanggit). Sadyang nagulat din ako sa mga kaisipan niya.
Isang kaibigan na nga malamang itong natagpuan ko. Isang biyayang maituturing dahil itinuturing kong biyaya ang isang tunay na kaibigan. Nitong mga huling araw, masaya akong makasama siya dahil mas nakikilala ko pa siya. At habang nakikilala ko siya, lalo akong namamangha.
Isa akong tao na tanggap na maaaring maging sobrang malapit na magkaibigan ang dalawang tao, kahit mula pa sa magkabilang kasarian, subalit hindi sila magkasintahan. Isang hiwaga ng buhay na nga siguro ang nagdudulot ng ganitong klaseng pagsasama.
Sana lamang, hindi masira ng tsismisan ang ganitong pagkakaibigan. Maraming tao ang posibleng hindi makaunawa sa sitwasyon nila.
Sana rin, magpatuloy pa ang pagkakaibigan namin. Nais ko pa siyang mas makilala. Sa takbo ng isip nya, alam kong marami rin akong matututunan. Sana makapagbukas siya ng kaniyang sarili sa akin at ganoon din ako sa kaniya.
Sa aking minamahal na makababasa nito, mahal na mahal kita. Alam natin sa ating mga sarili na mahal natin ang isa’t isa. Hindi hadlang sa pag iibigan ang mga kaibigan. Kung tunay nga silang kaibigan, makatutulong pa sila upang lumago ang ating pagmamahalan.